--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagtamo ng sugat sa ulo ang isang LGU employee matapos hatawin ng baseball bat ng kaniyang nakaalitan sa Brgy. San Vicente, City of Ilagan, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal ang tagapagsalita ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na bago nangyari ang insidente ang biktima na si Remcy Mansibang, 29-anyos, LGU employee at suspek na si Ronald Basco ay nagkita sa isang basketball court na kapwa nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.

Mayroon umanong hawak na kutsilyo at screwdriver si Mansibang kaya’t umuwi ang suspek upang kunin ang kaniyang baseball bat.

Bago paman makaalis ang suspek ay una naring nakaalitan ni Mansibang ang grupo ni Ronald kung saan nagkaroon ng mainit na sagutan hanggang sa habulin na ng biktima ang naturang suspek.

--Ads--

Dito ay nakasalubong ng biktima ang suspek at doon na siya hinataw ng dalawang beses sa ulo.

Tumakas ang suspek nang makita nitong humandusay ang biktima na agad namang isinugod sa pagamutan ng rumespondeng rescuer.

Kalaunan ay boluntaryong sumuko sa himpilan ng pulisya ang suspek habang sa kasalukuyan ay ginagamot pa rin sa SIMC ang biktima na nagtamo ng head injury.

Napag alaman din na matagal nang may alitan ang dalawa na kalaunan ay nauwi sa pagtatalo at pananakit.