--Ads--

Pinaigting ng Lokal na Pamahalaan ng Santiago City ang mga reporma at inisyatiba upang higit na mapabuti ang serbisyo sa mga negosyante at mamumuhunan sa lungsod.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Artemio Villaluz Jr, ang Department Head ng City Licensing Office ng Santiago City, sinabi nito na layunin ng mga hakbang na gawing mas episyente, mabilis at malinaw ang mga proseso sa pagkuha ng business permits at iba pang kaugnay na dokumento.

‎Kabilang dito ang pagpapalakas ng Business-one-stop-shop system tuwing panahon ng business renewal, pag-streamline ng mga kinakailangang requirements, at mas mahigpit na monitoring sa pagproseso ng mga aplikasyon.

‎Ipinunto ni Atty. Villaluz na mahalaga ang paglikha ng isang business-friendly environment upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan na magbukas ng negosyo sa lungsod, na magreresulta sa dagdag na trabaho at kita para sa mga residente.

‎Sa ilalim ng mga reporma, patuloy ding isinusulong ang digitalization ng ilang serbisyo upang mabawasan ang pila at mapabilis ang transaksyon ng publiko. Kabilang dito ang online appointment system at mas malinaw na impormasyon hinggil sa mga bayarin at regulasyon.

‎Binigyang-diin ng pamahalaang lungsod na bahagi ito ng kanilang pangmatagalang plano para sa mas maunlad at kompetitibong Santiago City sa rehiyon ng Cagayan Valley.
‎‎
‎Hinihikayat ng LGU ang mga negosyante at mamumuhunan na makipag-ugnayan sa Business Permits and Licensing Office ng lungsod para sa karagdagang impormasyon hinggil sa mga bagong patakaran at programa.