Tagumpay na naisagawa ang paghihiwalay sa Filipino conjoined twins na sina Klea Ann at Maurice Ann Misa matapos ang isang komplikadong 13-oras na operasyon noong Abril 23 sa ilalim ng suporta ng gobyerno ng Saudi Arabia.
Ayon sa embahada ng Saudi Arabia sa Maynila, ang nasabing operasyon ay itinuturing na isa sa mga pinakamahirap na kaso sa buong mundo na nilahukan ng dose-dosenang mga espesyalista mula sa iba’t ibang larangan. Matapos ang kabuuang labing-walong oras at kalahating paghihintay, nagpahayag ng labis na kagalakan ang ina ng kambal dahil sa tagumpay ng surgery na magbibigay sa kanyang mga anak ng pagkakataong mabuhay nang malaya at may bagong pag-asa.
Ang operasyon ay isinagawa sa utos nina King Salman bin Abdulaziz at Crown Prince Mohammed bin Salman bin Abdulaziz Al Saud. Dumating ang kambal sa Saudi Arabia noong Mayo 2025 at dinala sa King Abdullah Specialized Children’s Hospital sa Riyadh para sa serye ng mga pagsusuri.
Ipinaliwanag ni Abdullah bin Abdulaziz Al Rabeeah, pinuno ng medical at surgical team, na naging napakahirap ng kaso dahil sa pagkakadikit ng kanilang mga ulo, pagkakakabit ng mga ugat sa utak, at pagkakasabit ng mga brain tissue. Lalo pang naging mapanganib ang sitwasyon dahil sa mahinang puso at pagpalya ng bato ni Klea Ann, na nagpataas sa risk level ng operasyon sa 50%.
Pinangunahan ni Dr. Muatasim Al-Zoubi ang surgery na hinati sa limang yugto sa tulong ng 30 consultant at mga tauhan mula sa anesthesia, intensive care, imaging, at plastic surgery. Ang matagumpay na operasyong ito ang ika-70 procedure na naisakatuparan sa ilalim ng Saudi Conjoined Twins Program.











