Pinaigting ng Pamahalaang Lungsod ng Santiago ang pagmomonitor sa mga water refilling station sa lungsod upang matiyak na ligtas at malinis ang tubig na iniinom ng publiko, lalo na ng mga bata, sanggol, at mga immunocompromised na indibidwal.
Sa naging pahayag ni Santiago City Mayor Atty. Sheena Tan sa kanyang Facebook Live, sinabi nito na kabilang sa mahigpit na tinututukan ng lokal na pamahalaan ang operasyon ng mga water refilling station dahil direktang may kinalaman ito sa kalusugan ng publiko.
Ayon sa alkalde, patuloy na sinusuri ng pamahalaang lungsod kung may kumpletong permit ang mga establisyimento at kung pumapasa ang kanilang tubig sa itinakdang pamantayan ng kalinisan at kaligtasan para sa konsumo ng publiko.
Inihayag pa ng alkalde na may ilang water refilling station sa lungsod na hindi pa rin nakakapag-comply sa mga kinakailangang dokumento at health requirements kahit nabigyan na ang mga ito ng pagkakataong maisaayos ang kanilang papeles at operasyon.
Dahil dito, napilitan ang lokal na pamahalaan na magpatupad ng pagpapasara sa ilang establisyimentong hindi sumusunod sa health and safety standards ng Department of Health.
Binigyang-diin din ni Mayor Sheena Tan na bagama’t nauunawaan ng pamahalaan na naghahanapbuhay lamang ang mga negosyante upang masuportahan ang kanilang pamilya, hindi umano maaaring isakripisyo ang kalusugan ng publiko kapalit ng negosyo.
Samantala, batay sa inilabas na datos ng Lokal na Pamahalaan ng Santiago City, may kabuuang 84 na water refilling stations sa lungsod na matatagpuan sa 30 barangay ang rehistrado at sumailalim sa monthly microbiological testing ng City Health Office at may valid na License to Operate mula sa DOH nitong Pebrero 2026.
Kabilang sa mga barangay na may rehistradong water refilling stations ang Abra, Ambalatungan, Balintocatoc, Baluarte, Batal, Buenavista, Calao East, Calao West, Calaocan, Centro West, Divisoria, Dubinan East, Mabini, Malvar, Nabbuan, Naggasican, Patul, Plaridel, Rizal, Rosario, San Andres, Sagana, Salvador, San Jose, Sinili, Sinsayon, Victory Norte, Victory Sur, at Villa Gonzaga.
Ayon pa sa pamahalaang lungsod, ang ilang water refilling station na wala sa inilabas na listahan ay kasalukuyan pang nasa proseso ng pag-aayos ng kanilang mga dokumento at may mga kulang lamang na requirements para sa kanilang permit, bagama’t ang ilan ay sumailalim na rin sa pagsusuri ng kanilang tubig.
Gayunman, ang mga establisyimentong walang naipasa o naisumiteng dokumento sa tanggapan ay nabigyan na ng cease and desist order at hindi pinapayagang mag-operate hangga’t hindi natutugunan ang mga kinakailangang requirements.
Babala pa ng pamahalaang lungsod na ang mga water refilling station na ipinasara ay hindi maaaring magpatuloy sa operasyon hangga’t hindi pa naiaalis ang kanilang closure order, at ang sinumang mahuhuling nag-ooperate sa kabila nito ay maaaring maharap sa kaukulang kasong administratibo at kriminal alinsunod sa umiiral na batas at ordinansa.
Pinayuhan naman ang publiko na pumili lamang ng mga rehistrado at lisensyadong water refilling station at i-report sa City Permits and Licensing Office (CPLO) ang anumang establisyimentong posibleng lumalabag sa mga ipinatutupad na regulasyon.
--Ads--








