Pormal nang inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pamamahagi ng Libreng Bayanihan Sim Card para sa mga mag-aaral sa elementarya at high school. Bahagi ito ng programa ng ahensya na layong palawakin ang access ng mga estudyante sa internet at digital learning.
Ayon kay Ginoong Bryan Tomas, Information Systems Analyst II ng DICT, ang libreng sim card ay hindi lamang para sa lalawigan ng Isabela kundi sa buong bansa. Sa nationwide rollout, target ng ahensya na makapamahagi ng humigit-kumulang 1,000,000 sim cards sa mga kwalipikadong mag-aaral.
Sa Isabela, unang nabahagian ng programa ang mga paaralan sa bayan ng Echague at Alicia. Susunod na makikinabang ang mga mag-aaral sa Gamu, Ramon, at Jones bilang bahagi ng tuloy-tuloy na implementasyon ng proyekto.
Ipinaliwanag ni Tomas na bawat Bayanihan Sim Card ay may 25 gigabytes (GB) na data kada buwan sa loob ng isang taon. Automatic umano ang pagpasok ng bagong data allocation buwan-buwan, kahit hindi pa nauubos ang data mula sa nakaraang buwan, upang masigurong tuloy-tuloy ang internet access ng mga mag-aaral.
Para sa paggamit ng sim card, sinabi niya na isasagawa ang on-the-spot activation sa oras ng pamamahagi upang agad itong magamit ng mga benepisyaryo at maiwasan ang abala sa mga estudyante at guro.
Layunin ng programang ito na mas mapalakas ang digital inclusion at matulungan ang mga mag-aaral sa paggamit ng online educational resources at learning platforms.











