Masayang ipinagdiwang ng Schools Division Office (SDO) Isabela ang kanilang ikatlong sunod na kampeonato o 3-peat sa katatapos na CAVRAA Meet 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Division Sports Officer Manolo Bagunu, sinabi niyang naging kakaiba at mas matindi ang naging karanasan ng kanilang delegasyon ngayong taon dahil sa dikdikan at mahigpit na laban sa bawat sporting event.
Ayon sa kanya, ramdam ang matinding kompetisyon ng bawat division, lalo na sa ikatlong araw ng palaro kung saan halos dikit ang laban ng SDO Isabela at Cagayan sa bilang ng mga nakuhang medalya.
Inamin din niya na nakaranas sila ng matinding pressure bilang defending champion, dahil kailangang mapanatili ang kanilang titulo at maipagtanggol ito laban sa mahigpit na hamon ng ibang delegasyon.
Dagdag pa ni Bagunu, isang gabi bago matapos ang kompetisyon ay naungusan pa sila sa medal tally, kaya agad silang nagsagawa ng masusing pagsusuri at pag-aadjust ng kanilang diskarte para sa mga natitirang events.
Binigyang-prayoridad nila ang bawat natitirang laban, inisa-isa ang mga event na tapos na at hindi pa natatapos, at pinaigting ang suporta at coaching sa kanilang mga atleta upang makapagdagdag pa ng mahalagang medalya sa huling bahagi ng palaro.
Aniya, isa sa mga naging positibong pagbabago sa CAVRAA Meet ngayong taon ay ang mas pinaunlad na real-time online results system, kung saan madaling naa-access ng publiko ang updates at resulta ng bawat laban.
Pinuri rin niya ang naging kabuuang pagsasagawa ng CAVRAA Meet 2026 sa Santiago City, na aniya ay naging maayos, ligtas, at maayos ang daloy ng mga kompetisyon, at wala silang naitalang hindi kanais-nais na insidente sa kanilang delegasyon, lalo na para sa mga atleta.











