Mariing tinutulan ni Senador Joel Villanueva ang panukalang ₱9.757-bilyong bawas sa pondo para sa libreng edukasyon sa kolehiyo, na aniya’y maaaring makaapekto sa pagpapatupad ng batas at magdulot ng pagdami ng out-of-school youth.
Bababa sa ₱27.790 bilyon ang pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Program mula sa ₱37.547 bilyon ngayong taon, kasabay ng higit 25 porsiyentong pagbawas sa kabuuang panukalang badyet ng CHED para sa 2027.
Ayon kay Villanueva, magiging hamon ang pagpapatupad ng Republic Act No. 12325, na nagpapalawak sa libreng tertiary education, kung mababawasan ang pondong inilaan para rito.
Samantala, ikinatuwa ng senador ang pagtaas ng pondo para sa scholarship at financial assistance programs ng CHED, gayundin ang sapat na alokasyon para sa programang Doktor Para sa Bayan.











