CAUAYAN CITY– Mananatili pa rin ng isang linggo sa Washington DC ang libu-libong US soldiers kahit tapos na ang inagurasyon ni Pangulong Joe Biden.
Inihayag ni Bombo International Correspondent Ryan Namata ng Washington DC, sinabi niya na kahit tapos na ang inagurasyon ng bagong presidente ng Estados Unidos ay magtatagal pa rin ang mga sundalo sa naturang estado ng isang linggo.
Ito ay para matiyak ang seguridad sa capitol building at nang wala ng mangyayaring kaguluhan na tulad ng nangyari noong January 6, 2021 kung saan pinasok ng mga protesters ang US capitol.
Aniya, isang linggo bago ang inagurasyon ay nandoon na ang mga sundalo para magbantay.
Bilang pasasalamat naman sa serbisyo ng mga sundalo ay sumasama siya sa mga namamahagi ng pagkain.
Kaugnay nito ay umiiral ngayon ang 6pm curfew sa Washington DC at lahat ng mga major roads ay nilagyan ng checkpoints para matiyak na walang makakapasok na magsasagawa ng gulo.











