Inaasahang mararamdaman ng mga konsyumer sa susunod na linggo ang pagbaba ng presyo ng Liquefied Petroleum Gas o LPG ng P3 kada kilo, o katumbas ng P33 sa bawat 11-kilogram na tangke, kasunod ng inaasahang suspensyon ng excise tax sa LPG.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Arnel Ty, President ng LPG Marketing Association, sinabi niyang hinihintay na lamang nila ang abiso mula sa Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue sa lahat ng ports upang masuspinde ang pangongolekta ng excise tax sa mga importasyon ng LPG.
Kapag naglabas na ng abiso ang BOC na hindi na kokolektahin ang nasabing buwis, awtomatikong ipatutupad ang P3 kada kilo na pagbaba sa presyo ng LPG. Aniya, saklaw nito maging ang old at new stocks.
Mauunang maramdaman ng mga konsyumer ang rollback na P3 kada kilo na inaasahang magsisimula sa Setyembre 29 o 30, bunsod ng suspensyon ng excise tax.
Gayunman, kasunod nito ang inaasahang pagtaas ng presyo sa Oktubre 3 dahil sa paggalaw ng international market price ng LPG.
Ayon kay Ty, posibleng tumaas ng P10 hanggang P15 kada kilo ang presyo ng LPG, na maaaring katumbas ng humigit-kumulang P110 hanggang P165 dagdag sa isang 11-kilogram na tangke.
Sa kasalukuyan, nasa P1,225 hanggang P1,350 ang presyo ng 11-kilogram na LPG. Matapos ang inaasahang price increase, maaari itong umabot sa P1,400 kada tangke.
Malayo ito sa presyo noong Pebrero na nasa P950 lamang para sa 11-kilogram na tangke ng LPG.
Samantala, sinabi ni Ty na nasa 23 hanggang 25 araw na lamang ang kanilang kasalukuyang inventory.
Dahil dito, nag-request umano sila sa Department of Energy na itaas sa 45 araw ang kinakailangang inventory, lalo na’t kailangan nilang bumili ng suplay mula sa international market.
Dagdag pa niya, nakaaapekto rin sa presyo ng LPG ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kasunod ng kabiguan ng peace talks sa pagitan ng Iran at United States.











