Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pansamantalang pagsuspinde sa excise tax ng liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene matapos umabot sa $99.41 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) sa nakalipas na 30 araw.
Ang hakbang ay isinagawa kasunod ng rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga mamimili.
Awtomatikong ibabalik ang umiiral na excise tax rates sa mga produktong petrolyo alinsunod sa National Internal Revenue Code kapag bumaba sa less than $80 kada bariles ang isang buwang average na presyo ng Dubai crude oil, na sertipikado ng Department of Energy (DOE).
Inatasan naman ang DBCC at DOE na repasuhin ang implementasyon ng suspensyon sa loob ng 15 araw at magsumite ng ulat sa Kamara at Senado.
Batay sa magiging resulta ng pagsusuri, maaaring irekomenda ng DBCC sa Pangulo ang pagpapatuloy, pagbabago, pagpapalawig, o pagtatapos ng suspensyon ng fuel excise taxes.











