Lumakas bilang Tropical Depression Pilandok ang low-pressure area (LPA) na namataan sa silangan ng Extreme Northern Luzon nitong Linggo ng umaga, Agosto 30, ayon sa PAGASA.
Ayon sa weather bureau, ganap na naging tropical depression ang LPA alas-8 ng umaga.
Huling namataan ang Bagyong Pilandok may 1,225 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging 45 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 55 kilometro kada oras. Kumikilos ito pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Inaasahang magpapatuloy ang paggalaw nito pakanluran-hilagang-kanluran hanggang Lunes bago unti-unting lumihis ng direksyon.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na mananatiling malayo sa kalupaan ang Bagyong Pilandok at hindi inaasahang magla-landfall sa bansa.
Inaasahan ding panandalian lamang ang sistema bilang tropical cyclone at mananatiling tropical depression bago humina bilang remnant low sa Philippine Sea, timog ng Japan, pagsapit ng Martes, Setyembre 1.











