--Ads--

Mabagal na kumikilos pahilagang-kanluran ang Tropical Depression “Pilandok” sa karagatan sa silangan ng Extreme Northern Luzon, ayon sa PAGASA.

Batay sa Tropical Cyclone Bulletin No. 2 na inilabas alas-5:00 ng hapon ngayong Agosto 30, tinatayang nasa 1,180 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon ang sentro ng “Pilandok,” taglay ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 55 kilometro kada oras.

Ayon sa PAGASA, walang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa alinmang bahagi ng bansa dahil nananatiling malayo sa kalupaan ang bagyo.

Inaasahang kikilos ang “Pilandok” pahilagang-kanluran bukas, Agosto 31, bago tuluyang kumilos sa direksiyong hilagang-kanluran sa mga susunod na araw.

--Ads--

Mas maliit naman ang posibilidad na mag-landfall ang bagyo sa bansa at inaasahang mananatiling tropical depression sa buong forecast period bago humina bilang remnant low sa Philippine Sea, timog ng mga isla ng Japan sa Setyembre 1.

Samantala, patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa ang Southwest Monsoon o Habagat na maaaring magdala ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa ilang lugar.

Pinag-iingat din ang mga biyahero sa karagatan dahil inaasahang magiging maalon ang ilang bahagi ng coastal waters, kabilang ang seaboard ng Isabela na maaaring makaranas ng alon na hanggang dalawang metro.

Pinapayuhan ang mga nagmamaneho ng motorbanca at iba pang maliliit na sasakyang-dagat na mag-ingat sa paglalayag at, kung maaari, iwasang pumalaot sa mga lugar na may mapanganib na kondisyon ng karagatan.

Patuloy namang pinapayuhan ng PAGASA ang publiko at mga local disaster risk reduction and management office na manatiling nakatutok sa mga susunod na weather bulletin, lalo na kaugnay ng malakas na pag-ulan, thunderstorms at iba pang epekto ng Habagat.