Pinaplantsa ng Land Transportation Office o LTO ang isang memorandum order na maaaring magresulta sa pagbawi ng lisensya ng mga motoristang sangkot sa mga insidente sa pedestrian lane.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, bunsod ito ng mga insidenteng may mga pedestrian na nasasawi habang tumatawid sa tamang tawiran. May mga motorista rin umanong nakukuhanan sa video na hindi nagpapabagal o nagbibigay-daan sa mga tumatawid.
Sa isang kamakailang insidente, agad na sinuspinde ng LTO ang lisensya ng isang motorista na nakuhanan ng video na hindi nagbigay-daan sa mga pedestrian. Binigyan din ito ng Show Cause Order at inatasang humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division.
Sa ilalim naman ng Republic Act No. 4136, kailangang magbigay-daan ang mga motorista sa pedestrian na tumatawid sa crosswalk, maliban kung kinokontrol ang daloy ng trapiko ng traffic enforcer o traffic signal.











