CAUAYAN CITY – Pansamantalang isinara ang district office ng Land Transportation Office (LTO) sa Santiago City hanggang February 14, 2021.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Manny Baricaua, Administrative Officer ng LTO region 2, sinabi niya na kailangan na pansamantalang isara ang tanggapan dahil nakasalamuha ng isang empleyado ang isang nagpositibo sa COVID-19.
Kailangan aniyang ipatupad ang minimum health standards upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa kanilang tanggapan maging sa kanilang mga kliyente.
Nakatakdang isailalim sa quarantine ang mga empleyado pagkatapos malaman ang resulta ng swab test ng kawani na nakasalamuha ang nagpositibo sa virus.
Ayon kay Ginoong Baricaua, hindi maaari ang work-from-home sa LTO dahil kailangang personal na pupunta ang kliyente sa kanilang tanggapan.
Nanawagan siya sa mga nais magtungo sa LTO Santiago City na magtungo muna sa mga kalapit na tanggapan tulad sa San Isidro district office basta sundin ang health protocols at hindi magdagsaan.
Umaasa ang LTO region 2 na negatibo ang resulta ng swab test ng mga empleyado sa LTO Santiago City upang maibaba sa pitong araw ang pagsasara ng tanggapan.











