Pinalalakas ng Land Transportation Office (LTO) Santiago Extension Office ang pagpapatupad ng Balik-Lisensya, Balik-Rehistro Program bilang bahagi ng kampanya upang mahikayat ang mas maraming motorista na kumuha ng lisensya at magparehistro ng kanilang mga sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dennis Buendia, Officer-in-Charge ng LTO Santiago Extension Office, na tuloy-tuloy ang kanilang information campaign upang ipaalala sa publiko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng wastong driver’s license at rehistradong sasakyan.
Ayon kay Buendia, ang pagmamaneho ay may kaakibat na responsibilidad kaya mahalagang tiyaking may valid na lisensya ang bawat driver at updated ang rehistro ng kanilang sasakyan alinsunod sa umiiral na batas.
Bilang bahagi ng programa, isinasama ng LTO ang Balik-Lisensya, Balik-Rehistro Program sa kanilang mga caravan upang mailapit ang mga serbisyo sa mga residente ng malalayong barangay. Sa halip na bumiyahe pa patungo sa tanggapan ng LTO, ang ahensya na mismo ang nagtutungo sa mga komunidad upang magsagawa ng iba’t ibang transaksyon.
Layunin ng inisyatiba na mapadali ang pagkuha at pag-renew ng driver’s license, gayundin ang pagpaparehistro ng mga sasakyan, habang hinihikayat ang mas maraming motorista na sumunod sa mga umiiral na regulasyon sa lansangan.
Nanawagan naman ang LTO sa publiko na samantalahin ang mga isinasagawang caravan upang maging legal at maayos ang kanilang mga dokumento sa pagmamaneho at makatulong sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa mga kalsada.










