Puspusan na ang paghahanda ng Lokal na Pamahalaan ng Santiago City para sa nalalapit na CAVRAA 2026, partikular sa aspeto ng kalinisan, waste management, at food safety, bilang bahagi ng pagtiyak sa maayos at ligtas na pagdaraos ng regional sporting event.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mario Deguzman II, City Environment and Natural Resources Officer (CENRO) ng Santiago City, sinabi nito na nakatutok ang kanilang tanggapan sa pagpapanatili ng kalinisan at maayos na pamamahala ng basura sa buong lungsod.
Ipinaliwanag niya na layunin nilang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng pagpapanatili ng malinis na kapaligiran, lalo na sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad at tutuluyan ng mga kalahok.
Dagdag pa niya, mahigpit din nilang binabantayan ang mga lugar na gagamitin sa food preparation, partikular ang mga kusina sa mga paaralan, upang masigurong nasusunod ang tamang sanitation at food safety standards.
Sinabi rin ni Deguzman na magsasagawa ang kanilang tanggapan ng dalawang araw na post-event clean-up upang agad na malinis ang mga lugar na pagdarausan ng aktibidad matapos ang CAVRAA.
Inaasahan naman ng LGU na sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ay magiging maayos, ligtas, at malinis ang kabuuang pagdaraos ng nasabing palaro sa lungsod.
--Ads--










