CAUAYAN CITY– Magkapatid ang huling biktima o natamaan ng paputok sa Mabini, Santiago City .
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan isang Fountain ang noon ay sinindihan ng kapitbahay ng mga biktima.
Hindi inaasahang natumba ang Fountain at dumiretso sa gawi ng magkapatid dahilan ng bahagyang pagkakapaso o minor burn sa ilang bahagi ng binti ng mga biktima.
Agad dinala sa Southern Isabela Medical Center ang magkapatid na pinauwi din matapos malapatan ng lunas.
Kabilang din sa mga dinala sa ospital ang 5 anyos na batang babae na nakatira sa Sta Rosa, Santiago City na aksidenteng napaso ng lusis na sinindihan ng mismong ama nito.
Nasa tabi ng ama nito ang bata habang sinisindihan ang isang lusis.
Hindi napansin ng ama na lumapit sa kanyang tabi ang anak dahilan para aksidenteng maitapat nito sa mukha ng bata ang lusis.
Dinala ang bata sa Southern Isabela Medical Center na agad nakauwi sa kanilang tahanan matapos malapatan ng lunas.











