Nakabalik na ng Pilipinas sina Senador Alan Peter Cayetano at Senadora Pia Cayetano nitong Sabado matapos ang kanilang pagbisita sa Singapore.
Sa isang social media post, sinabi ni Alan Peter Cayetano na ligtas silang nakauwi sa bansa.
Samantala, ipinaliwanag ni Senadora Pia Cayetano na matagal nang nakatakda ang kanyang pagbiyahe upang suportahan ang Philippine national team na lumahok sa Asia Pacific Padel Tour sa Singapore.
Hindi naman nito nilinaw kung may kaugnayan din sa naturang torneo ang pagpunta ng kanyang kapatid o kung may iba itong pakay sa naturang bansa.
Kinumpirma ng Bureau of Immigration na umalis ng bansa ang magkapatid na senador noong Miyerkules.
Ayon naman kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, hindi isyu sa ngayon ang pag-alis ni Alan Peter Cayetano at dapat umano itong mabigyan ng pagkakataong makapagpahinga mula sa mga kontrobersyang kinakaharap nito.
Matatandaang nagkaroon ng palitan ng mga pahayag sina Lacson at Cayetano kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa mga flood control at reclamation projects sa Taguig City.
Nauna nang nagsumite si Lacson sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case studies na may kalakip na mga opisyal na dokumento na umano’y nagpapakita ng sistematikong anomalya sa mga proyektong flood control sa lungsod.Bukod dito, iniimbestigahan din si Alan Peter Cayetano ng National Bureau of Investigation at Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa pagho-host ng Pilipinas sa 2019 Southeast Asian Games kung saan nagsilbi siyang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee.











