Bumalik na sa Pilipinas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang limang araw na working visit sa Singapore.
Sa kaniyang arrival statement, ibinahagi ng pangulo ang resulta ng mga pakikipagpulong niya sa mga negosyante at business leaders sa 24th Forbes Global CEO Conference.
Kabilang sa mga napag-usapan ang pagpapalawak ng operasyon ng FedEx sa Clark, ang $700 milyong pamumuhunan ng Mitsubishi Corporation sa Ayala Corporation, at ang planong palakihin ng Vena Energy ang kapasidad nito sa paglikha ng kuryente sa bansa.
Itinampok din ni Marcos ang $20-bilyong Luzon Economic Corridor, na naglalayong palakasin ang imprastraktura at hikayatin ang paglago ng negosyo sa Pilipinas.
Inaasahan ng pangulo na ang interes ng mga dayuhang mamumuhunan ay magdadala ng mas maraming kapital, makabagong teknolohiya at oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
Tiniyak din ni Marcos na magpapatuloy ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa korapsyon at ang pagpapasimple ng mga proseso upang mas mapadali ang pagnenegosyo sa bansa.











