--Ads--

Isinagawa kahapon sa Nueva Vizcaya ang third quarter regional earthquake drill ng mga local government unit at iba’t ibang stakeholders sa Region 2, gamit ang worst-case scenario na magnitude 7 na lindol na maaaring magdulot ng intensity 7 hanggang 8 na pagyanig.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mia Carbonel, Public Information Officer ng Office of Civil Defense o OCD Region 2, sinabi niyang in-advance ng isang araw ang drill dahil sa availability ng host na lalawigan.

Ayon kay Carbonel, sinubok din sa naturang ehersisyo ang kakayahan ng mga responder na magpatuloy sa koordinasyon kahit mawalan ng communication lines, kabilang ang pagtatatag ng alternative communication point at activation ng Incident Management Team at iba pang response clusters.

 Layunin ng regular na earthquake drill na magkaroon ng tinatawag na muscle memory upang maging natural sa publiko ang tamang pagkilos tuwing may lindol at maiwasan ang pagkataranta.

--Ads--

Mahalaga rin umano ang mga drill upang maging pamilyar ang publiko sa ligtas na daanan, evacuation area at mga hakbang na dapat gawin bago, habang at matapos ang lindol.Binigyang-diin ni Carbonel na walang perfect drill dahil palaging may mga bahagi pang kailangang pagbutihin kaya mahalaga ang tuloy-tuloy na pagsasanay at pagsusuri upang mas maging handa ang bawat komunidad sa aktuwal na lindol.