Sinampahan na ng kasong murder ang anim na katao kaugnay ng pagpatay sa isang kawani ng National Irrigation Administration (NIA) sa Barangay Escoting, Diadi, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PCapt. Daryl Marquez, hepe ng Diadi Police Station, tinanggap ng piskalya noong Miyerkules, Oktubre 14, ang mga ebidensiyang iniharap ng pulisya matapos ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Matatandaang boluntaryong sumuko ang limang lalaking suspek na umano’y nakainuman ng biktima bago ito bugbugin hanggang sa mamatay.
Ayon kay PCapt. Marquez, murder ang isinampang kaso dahil umano sa pagtutulungan ng mga suspek sa pag-atake sa nag-iisang biktima at pagtatangkang itago ang bangkay nito.
Sinampahan din ng kaso ang asawa ng isang backhoe operator matapos umanong isiwalat ng isa sa mga suspek na kinuhanan nito ng video ang insidente upang magkaroon ng ebidensiyang magkakasama sila sa krimen.
Kabilang sa mga suspek ang isang 28-anyos na criminology graduate, dalawang mag-ama, isang 19-anyos, at mag-asawang residente ng San Isidro, Isabela.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Diadi Police Station ang limang lalaking suspek.











