
CAUAYAN CITY – Patay ang isang magsasaka matapos na bugbugin ng kanyang kapitbahay sa Divisoria, Santiago City.
Ang biktima ay si Cinilo Albay, 57 anyos, may asawa, magsasaka habang ang suspek ay si Cristobal Ordanza, 30 anyos, magsasaka at kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Sa imbestigasyon ni PSSgt. Joemar Dela Cuesta ng Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO), umuwi ang biktima sa kanilang bahay mula sa maghapong pagsasaka at pasigaw umanong tinatawag ang kanyang asawa.
Nainis umano ang suspek na nakatira malapit sa bahay ni Albay kaya sinugod niya ito at pinagsusuntok na dahilan para magtamo ng malalang pinsala sa batok at likurang bahagi ng kanyang ulo.
Naitakbo si Albay sa isang clinic sa San Isidro, Isabela si Albay ngunit walang doktor kaya inilipat siya sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) at idineklara ng doktor na dead on arrival.
Maaaring internal hemorrhage o malalang pagdurugo sa loob ng apektadong bahagi ng katawan ang ikinamatay ng biktima.
Napag-alaman naman na dati ng may away sa lupang sinasaka sina Albay at Ordanza na maaring nakadagdag sa tensyon at galit ng suspek.










