CAUAYAN CITY – Nagpakamatay ang isang ama sa Santiago City na umano’y may problema sa kaniyang misis na Overseas Filipino Worker (OFW).
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO) ang nagpakamatay ay 39 anyos na magsasaka at residente ng nabanggit na lugar.
Ayon sa Presinto Uno, nakatanggap sila ng tawag ng ilang concerned citizen may kaugnayan sa suicide incident.
Gamit ang lubid ay itinali ng magsasaka ang sarili sa kanilang kisame at lumabas na kinabitan pa ito ng live wire na konektado sa pintuan ng kanilang bahay kaya makukuryente ang sinumang magbubukas sa pintuan.
Dahil dito ay dumaan ang mga pulis sa bintana kung saan unang natanaw ang katawan ng lalaki.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na bago pa mangyari ang pagpapakamatay ng magsasaka ay nagawa pang sumulat ng mensahe sa kanyang misis na nasa ibang bansa.
Nakasaad sa liham ng mister ang sakit ng loob sa kanyang misis na pinaparatangang may ibang karelasyon sa ibang bansa .
Bago nagpakamatay ay tinangka pa niya umanong painumin ng juice na hinaluan ng lason na pamatay sa daga.
Gayunman, nakita ito ng panganay na anak na agad humingi ng tulong sa mga kapitbahay kaya hindi natuloy ang pagpapainum sa kanila ng juice na may lason.
Nasa pangangalaga na ng pamilya ng misis ng magsasaka ang ang apat na anak na may edad lima hanggang 14 anyos habang nasa punerarya na ang labi ng kanilang ama.












