CAUAYAN CITY – Sasampahan ngayong araw ng kasong parricide at frustrated parricide ang isang lalaking nagwala at pinagsasaksak ang kanyang mga magulang at isang kapatid sa Pampang, Kayapa, Nueva Vizcaya.
Ang suspek ay si Iryb Baltazar, 28 anyos habang ang mga napatay na magulang ay sina Ruben Baltazar, 68 anyos at Nora Baltazar, 65 anyos, pawang residente ng Pampang, Kayapa, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt. Joeffrey Nool, deputy chief of Police ng Kayapa Police Station na ang mag-asawang Baltazar ay nagtamo ng maraming saksak sa katawan na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Ang anak nilang si Shayra Baltazar, 26 anyos ay nagtamo ng sugat sa kanyang balikat at noo ngunit nakatakas at nakahingi ng tulong sa kanyang tiyahin na kanilang kapitbahay.
Ang isa pang anak na 27 anyos ay nakapagtago sa kanilang kuwarto ngunit nakakaranas ng trauma matapos makita ang nangyari sa mga magulang.
Lumabas sa imbestigasyon ng Kayapa Police Station na sinamahan ng mag-asawang Baltazar ang kanilang anak na matulog sa sala ng kanilang bahay dahil nakitaan siya ng pagkabalisa at hindi makatulog ngunit dakong alas tres ng madaling araw kahapon ay nagwala ang suspek at pinagsasaksak ang kanyang mga magulang.
Lumalabas na nakakaranas ang suspek ng kapansanan sa pag-iisip matapos na mabagok ang ulo sa isang aksidente ilang buwan na ang nakalipas.
Ayon kay PLt. Nool, isinailalim noon sa psyciatric test at lumabas na nagkaroon ng diperensiya sa pag-iisip ang suspek at posibleng hindi regular na nakakainom ng gamot kaya lumala ang kanyang sakit sa pag-iisip.
Tumugon sa krimen ang Kayapa Police Station matapos matanggap ni PCpl Mark Allen Corpuz ang impormasyon hinggil sa pagwawala at pananaksak ni Iryb Baltazar na kusang sumuko sa mga alagad ng batas.
Nang tanungin umano ng mga pulis ang suspek ay hindi niya alam ang pangyayari at hindi naman nanlaban nang dakpin siya ng mga otoridad.