Nagpasalamat ang mga magsasaka sa Alfonso Lista, Ifugao kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagkakaroon ng bagong pump irrigation system na inaasahang makatutulong sa kanilang pagsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joseph Galapon, isang magsasaka sa lugar, sinabi nitong malaking tulong ang Alfonso Lista Pump Irrigation System (ALPIS), lalo na’t pagsasaka ang pangunahing pinagkukunan nila ng kabuhayan.
Dagdag pa ni Galapon, namahagi rin ng mga binhi ng munggo at iba pang pananim na maaari nilang itanim bilang alternatibo sa palay at mais, partikular kung maapektuhan ang kanilang mga pananim ng banta ng El Niño.
Nagkakahalaga ng mahigit ₱1.49 bilyon ang proyektong ipinatupad ng National Irrigation Administration (NIA). Inaasahang makikinabang dito ang 1,315 magsasaka mula sa apat na barangay, habang magkakaroon ng irigasyon ang 2,300 ektarya ng sakahan.
Samantala, ikinatuwa rin ni Alfonso Lista Mayor Edralin Alipio ang pagkakaroon ng proyekto, na aniya’y mahalaga sa kanilang bayan dahil nakasalalay sa pagsasaka ang kabuhayan ng maraming residente.
Inaasahan ng alkalde na sa pamamagitan ng irigasyon ay masisiguro ang suplay ng tubig para sa mga sakahan at masusuportahan ang produksyon ng mga magsasaka.











