--Ads--

Nasawi ang hindi bababa sa 30 sundalo ng Yemen matapos ang magkakahiwalay na pag-atake sa mga kampo militar sa mga lalawigan ng Marib at Hadramout nitong Huwebes, ayon sa mga opisyal ng gobyerno.

Ayon sa mga awtoridad, posible pang tumaas ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang pagberipika sa lawak ng pinsala at bilang ng mga biktima.

Kalaunan, inako ng grupong Houthi, na sinusuportahan ng Iran, ang pananagutan sa isinagawang missile at drone strikes laban sa mga umano’y puwersang militar na kaalyado ng Saudi Arabia sa dalawang lalawigan.

Sinabi ng Houthis na tinarget nila ang mga konsentrasyon ng tropa sa mga lugar ng Al Ruwayk, Al Abr at Al Thaniyah gamit ang ballistic missiles at drones. Iginiit din ng grupo na daan-daan ang napatay o nasugatan at ilang kampo militar, imbakan ng armas at sasakyan ang nawasak.

--Ads--

Bilang tugon, inatasan ng Health Minister ng Yemen ang mga pagamutan sa Marib at Hadramout na maghanda para sa pagdagsa ng mga sugatang sundalo. Kinondena rin nito ang mga pag-atake sa mga posisyong militar sa Al Ruwayk at Al Abr.

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang U.S. Mission to Yemen sa mga pamilya ng mga nasawing sundalo at tinawag ang insidente bilang panibagong halimbawa ng umano’y terorismo ng Houthis laban sa mamamayan ng Yemen.

Patuloy ang tensyon sa pagitan ng Houthis at Saudi Arabia, kung saan idineklara ng rebeldeng grupo ang naval blockade sa Saudi Arabia sa Red Sea noong nakaraang buwan dahil sa umano’y pagkubkob ng Riyadh sa Yemen, isang alegasyong itinanggi ng Saudi Arabia.

Nagsimula ang malawakang sigalot sa Yemen noong 2014 matapos sakupin ng Houthis ang kabisera nitong Sanaa. Noong 2015, pinangunahan ng Saudi Arabia ang isang military coalition upang suportahan ang kinikilalang pamahalaan ng Yemen. Ang matagal nang labanan ay nagdulot ng malubhang krisis pangkabuhayan at makataong suliranin sa bansa.