--Ads--

Mahigit 600 San Agustinians ang nakinabang sa libreng serbisyong pangkalusugan sa isinagawang Fiesta of Health ng San Agustin Super Health Center nitong Setyembre 29.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Health Officer Dr. Jessica Aevon Santamaria, sinabi niyang kabilang sa mga serbisyong inilaan ang medical, dental, surgical at optical services.

Katuwang sa aktibidad ang Southern Isabela Medical Center, Cagayan Valley Medical Center, Mallig Super Health Center, Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital at iba pang health professionals at volunteers mula sa lalawigan.

Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng 77th Day ng San Agustin at 21st Nuang Festival, na layuning mailapit ang serbisyong pangkalusugan, partikular sa mga residente ng malalayong barangay at senior citizens.

--Ads--

Bukod sa mga libreng serbisyong medikal, isinagawa rin ang PhilHealth enrollment at updating, pag-iisyu ng PhilHealth ID at YAKAP registration.

Samantala, patuloy rin ang pagpapatupad ng Purok Kalusugan Program ng Department of Health sa pangunguna ni Rural Health Physician Dr. Arlyn Fianza.

Ayon kay Dr. Fianza, kabilang sa inilalapit sa mga komunidad ang TB screening, maternal services at immunization, na isinasagawa sa mga piling barangay dalawang beses kada linggo.

Hinimok naman niya ang mga residente na samantalahin ang mga libreng serbisyong pangkalusugan at abangan ang iskedyul ng pagpunta ng health team sa kanilang barangay.