Ibinida ng mga magsasaka sa San Agustin ang kanilang mga kalabaw sa huling araw ng pagdiriwang ng ika-77 Araw ng San Agustin at ika-21 Nuang Festival ngayong araw, Setyembre 30.
Sinimulan ang huling araw ng selebrasyon sa pamamagitan ng parada na nilahukan ng iba’t ibang departamento ng Local Government Unit o LGU, mga tauhan ng Philippine National Police o PNP, Bureau of Fire Protection o BFP, Department of Education o DepEd, mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan, gayundin ang mga float ng mga bagong reyna ng San Agustin.
Tampok sa parada ang mga kalabaw na pag-aari ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang barangay kabilang ang Masaya Centro, Masaya Sur, Dappig, Santos at Quimalabasa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fernando Taracatac ng Barangay Masaya Sur, isa sa mga lumahok sa parada, sinabi niyang mula nang magsimula ang Nuang Festival ay regular na niyang isinasama ang kanyang mga kalabaw sa naturang aktibidad.
Ayon kay Taracatac, bukod sa pagiging bahagi ng selebrasyon, ikinasisiya rin ng mga kalahok ang pagkakataong makatanggap ng mga papremyo mula sa naturang aktibidad.
Samantala, tatlong taon na ring nakikilahok sa Nuang Festival Parade ang mga kalabaw ni JC Garcia.
Ayon kay Garcia, nakaranas na rin siyang manalo ng cash prize sa aktibidad na kanilang nagamit para sa ilang pangunahing pangangailangan ng pamilya kabilang ang pagkain.
Dalawang kalabaw ang isinama ni Garcia sa parada ngayong taon.
Ang Nuang Festival ay nagmula sa programa ng bayan na nakatuon sa pagpapahusay ng lahi at pag-aalaga ng mga kalabaw o nuang na mahalagang katuwang ng mga magsasaka sa kanilang kabuhayan.
Pormal na inilunsad ang unang Nuang Festival noong Setyembre 26 hanggang 28, 2005 bilang pagkilala sa ambag ng kalabaw sa sektor ng agrikultura at kabuhayan ng komunidad.
Sa paglipas ng mga taon, naging bahagi na ng pagdiriwang ang parada at mga patimpalak para sa mga kalabaw, gayundin ang pagpapakita ng mga produktong gawa mula sa gatas ng kalabaw at iba pang lokal na produkto.
Opisyal na nagtapos ngayong araw ang 3-day celebration na nagsimula noong Setyembre 28, bilang pagbigay-pugay sa mga magsasaka at sa mahalagang papel ng kalabaw sa agrikultura at kabuhayan ng bayan.











