Ibinahagi ng mga nagwagi sa Miss San Agustin 2026 ang kani-kanilang adbokasiya para sa kabataan at komunidad kasabay ng pagdiriwang ng ika-77 Araw ng San Agustin at 21st Nuang Festival ng San Agustin, Isabela.
Itinanghal na Miss San Agustin 2026 si Cher Daniela Rubio, 18 taong gulang at kasalukuyang kumukuha ng Bachelor of Science in Business Administration sa isang Unibersidad sa Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ibinahagi ni Rubio ang kanyang proyektong ‘Pilgrims of Hope,’ na sinimulan niya noong siya’y Grade 10 pa lamang.
Sa pamamagitan nito, nagbibigay siya ng suporta sa mga batang nangangailangan, kabilang ang school supplies at pagkain.
Para kay Rubio, mahalaga ang edukasyon dahil ito ang susi upang mabigyan ng mas maayos na kinabukasan ang mga kabataan.
Binigyang-diin din niya na malaking responsibilidad ang kanyang bagong titulo bilang kinatawan ng San Agustin, na nais niyang gampanan nang maayos.
Nais din niyang maipakita hindi lamang ang magagandang tanawin ng kanilang bayan kundi maging ang sipag, tiyaga at talento ng mga San Agustinian, kabilang ang pagsisikap ng mga magsasaka at ang mahalagang papel ng mga kalabaw sa kanilang kabuhayan at agrikultura.
Samantala, itinanghal namang first runner-up si Triza Baltazar na kumukuha ng Bachelor of Science in Information Technology at isa ring working student.
Ibinahagi niyang gagamitin niya ang kanyang boses upang maging inspirasyon at makatulong sa komunidad, partikular sa mga kabataan.
Kabilang sa kanyang mga nais isulong ang isang digital empowerment project na nakatuon sa basic digital literacy, online promotion at technology training.
Sa pamamagitan nito, nais niyang mabigyan ng dagdag na kaalaman at kasanayan ang mga kabataan at lokal na negosyante upang mapalawak ang kanilang mga oportunidad.
Samantala, kinoronahan naman bilang ang second runner-up si Aleah Dane Sanchez Basug.
Aniya, nais niyang hikayatin ang mga kabataan na ikuwento at pahalagahan ang San Agustin nang may puso, dahil bahagi ito ng kanilang kultura at pagkakakilanlan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng integridad, kultura, kasaysayan at pagkakaisa sa patuloy na pag-unlad ng kanilang bayan.
Nagtapos kahapon Setyembre 30 ang tatlong araw na pagdiriwang ng ika-77 Araw ng San Agustin at 21st Nuang Festival na tampok ang kultura, talento at pagkakaisa ng mga San Agustinian.







