
CAUAYAN CITY – Umaabot sa mahigit limang milyong piso ang halaga ng inabandonang marijuana na narekober sa Santos, Quezon Isabela kaninang alas otso ng umaga.
Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan sa PDEA Region 2, nakatanggap ng impormasyon ang Quezon Police Station mula kay Sangguniang Bayan member Armando Lacambra ng nasabing bayan tungkol sa kahinahinalang sako na hinihinalang iniwan sa nasabing lugar pangunahin na sa Botanical Garden.
Batay umano sa nasabing SB member, habang siya ay nagjojogging kasama ang iba pa sa nasabing lugar ay napansin nila ang dalawang sako na kulay yellow at pink na hindi naman nila nakikita dati.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga kasapi ng Quezon Police Station, PDEA Region 2 at narekober ang halos apatnapu’t dalawang piraso na pinatuyong dahon ng Marijuana Bricks na nagkakahalaga ng limang milyon apatnapong libong piso.

Dinala na ang mga nasabing Marijuana Bricks sa himpilan ng Quezon Police Station habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pangunguna ni Provincial Director Col. James Cipriano ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) katuwang ang PDEA Region 2.










