Umaabot sa 200 opisyal at tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa buong bansa ang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y “slot-for-sale” scheme sa recruitment ng mga aplikante.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kasunod ito ng pagkakaaresto sa isang senior fire officer sa San Fernando, Pampanga na umano’y humingi ng P500,000 sa isang aplikante kapalit ng garantisadong puwesto sa BFP at nagkasundo sa P300,000. Nahaharap ang opisyal sa reklamong robbery at extortion sa City Prosecutor’s Office ng San Fernando.
Ayon kay Remulla, bahagi ang kaso nang mas malawak na kampanya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa matagal nang katiwalian sa BFP.
Aniya, maaaring umabot sa P15 bilyon kada taon ang halaga ng mga transaksiyong sangkot sa umano’y katiwalian, kabilang ang recruitment, promotions, procurement ng fire trucks, fire extinguishers at iba pang transaksiyon.
Nauna nang inalis ng DILG ang 902 fire safety inspectors sa Metro Manila dahil sa umano’y iregularidad sa fire safety inspections. Nagsampa rin ang ahensya ng mga reklamo laban sa 45 kasalukuyan at dating BFP officials kaugnay ng umano’y iregularidad sa procurement ng fire trucks mula 2018 hanggang 2024.
Samantala, isang deputy regional director for administration ng BFP Region 4A na sinasabing kasabwat sa recruitment scheme ang inalis at isinailalim sa restricted duty.
Sinabi ni BFP Officer-in-Charge FCSupt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu na gumagamit na ang ahensya ng online at electronic hiring system kung saan system-generated ang pagsusuri sa kwalipikasyon at resulta ng mga pagsusulit. Gayunman, aminado siyang may mga tauhan pa ring nakagagawa umano ng paraan upang manipulahin ang proseso, partikular sa huling bahagi ng recruitment kung saan tao na ang gumagawa ng desisyon sa mga aplikanteng papasok.
Pinalawak na sa buong bansa ang imbestigasyon at umabot na umano sa mga opisyal hanggang regional director level. Hinikayat ni Remulla ang mga sangkot na makipagtulungan at ilahad ang buong detalye ng scheme, kabilang ang mga opisyal na sangkot.











