--Ads--

Inaprubahan ng Malacañang ang pagtataas ng fuel discount para sa mga tsuper ng jeepney at UV Express kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Mula sa dating P10 kada litro, itataas sa P12 kada litro ang diskwento sa langis simula Agosto 15. Tinatayang makatitipid ng hanggang P1,800 kada linggo ang bawat kwalipikadong driver.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, na pinalalala umano ng tensyon sa Middle East.

Inatasan din ni Recto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyaking maipamahagi ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) assistance para sa mga magsasaka, mangingisda, transport at construction workers, gayundin sa iba pang manggagawang kabilang sa mga sektor na mababa ang kita.

--Ads--

Binigyang-diin ng Palasyo na patuloy na maglalaan ng suporta ang pamahalaan para sa mga sektor na direktang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.