Ipinunto ng Malacañang ang pasya ng Commission on Audit (COA) na dapat sundin ang kautusang ibalik ni Vice President Sara Duterte, kasama ang ilang opisyal ng Office of the Vice President (OVP), ang P73 milyong nagamit mula sa confidential funds.
Tinanggihan ng COA ang apela ng kampo ni Duterte na baliktarin ang notice of disallowance, kaya nananatiling obligasyon ang pagsasauli ng nasabing halaga.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sugpuin ang katiwalian at panagutin ang sinumang lalabag sa batas.
Iginiit din ni Castro na dapat igalang at sundin ng kampo ng Bise Presidente ang naging desisyon ng COA sa pamamagitan ng pagbabalik ng kinukuwestyong pondo.
Para sa Malacañang, ipinahihiwatig ng naging desisyon na kulang ang paliwanag ng kampo ni Duterte hinggil sa sinasabing maayos at transparent na paggamit ng pondo.
Pinapurihan din ng Palasyo ang agarang aksyon ng COA at Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa masusing pagrepaso sa isyu.











