--Ads--

Makikipagpulong ang Malacañang sa Climate Change Commission (CCC) upang matukoy ang mga karagdagang hakbang na dapat ipatupad laban sa lumalalang epekto ng climate change sa bansa.

Ito ay kasunod ng pahayag ni CCC Commissioner Albert dela Cruz na hindi umano sapat na naipatutupad ng ilang ahensiya ng gobyerno ang mga umiiral nang polisiya para sa climate change adaptation at mitigation.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawak ng kaalaman ng publiko hinggil sa epekto ng climate change kaya mahalagang makiisa at maghanda ang lahat ng sangay ng pamahalaan.

Binigyang-diin din ni Castro na dapat maagang maituro sa mga kabataan ang kahalagahan ng disaster preparedness upang mapalakas ang kanilang kakayahang tumugon sa mga sakuna.

--Ads--

Dagdag pa niya, mahalaga rin ang pakikilahok ng mga komunidad sa wastong pamamahala ng basura, paglilinis ng kapaligiran, at pagpapanatiling malinis ng mga daluyan ng tubig upang mabawasan ang epekto ng pagbaha at iba pang kalamidad.

Hinimok din ng Malacañang ang mga lokal na pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang mga no-build zone at seryosohin ang banta ng climate change alinsunod sa direktiba ng Pangulo.