Patuloy pa ring iniimbestigahan ng Alicia Police Station ang naganap na karambola ng tatlong sasakyan sa Brgy. Rizaluna, Alicia kahapon, Mayo 25, pasado alas-8 ng umaga na ikinasawi ng limang katao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Felix Mendoza, Chief of Police ng Alicia Police Station, sinabi nito na sangkot sa aksidente ang isang Isuzu trailer truck, Toyota Avanza at isang Suzuki Smash na motorsiklo.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ang trailer truck ay minamaneho ni Bryan Bartolome, 41-anyos at residente ng Brgy. Junao, Cauayan City kasama ang isang pahinante at patungo sana sa Echague, Isabela.
Samantala, minamaneho naman ni Marion de Guzman ang Toyota Avanza kasama sina Saudiño de Guzman, 32-anyos, Serila de Guzman, 61-anyos, Juniel Ocasla, 38-anyos, isang anim na taong gulang na bata at isang apat na taong gulang na bata habang patungo naman sana sa north direction o Cauayan proper.
Nadamay rin sa aksidente ang isang kulay puting Suzuki Smash na minamaneho ni Harold Manangan, 45-anyos at residente ng Batal, Santiago City.
Ayon kay PMaj. Mendoza, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na bigla umanong nagsalpukan ang trailer truck at Toyota Avanza dahilan upang madamay ang motorsiklo na kasunod ng MPV.
Agad namang rumesponde ang mga otoridad at naisugod sa pagamutan ang mga biktima subalit binawian din ng buhay ang apat na sakay ng Avanza na sina Marion de Guzman, Serila de Guzman, Juniel Ocasla at ang anim na taong gulang na bata.
Nasawi rin ang rider ng motorsiklo habang patuloy namang inoobserbahan sa pagamutan ang dalawa pang nakaligtas na sakay ng Avanza kabilang ang apat na taong gulang na bata.
Masuwerte namang nakaligtas ang driver at pahinante ng trailer truck na kasalukuyang nasa kustodiya ng Alicia Police Station habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, nagtungo rin ang Bombo News Team sa punerarya kung saan dinala ang mga nasawing biktima ngunit wala pa umanong dumarating na mga kaanak ng mga ito.
Ayon sa management ng punerarya, patuloy nilang inihahanda ang mga labi ng mga biktima upang maayos itong maipagkaloob sa kanilang mga pamilya oras na dumating ang mga ito.
Samantala, nagbigay ng pahayag ang driver ng trailer truck na nasangkot sa karambola na ikinasawi ng limang katao sa kahabaan ng pambansang lansangan sa Brgy. Rizaluna, Alicia, kahapon ng umaga, Mayo 25.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas “Ricky,” driver ng trailer truck, sinabi nito na mabilis umano ang pagpapatakbo ng driver ng Toyota Avanza bago naganap ang insidente.
Ayon sa kanya, tumama umano ang Avanza sa gulong ng trailer truck dahilan upang mabitak ang harapang gulong nito at mawalan siya ng kontrol sa minamanehong sasakyan.
Sinabi rin nito na isang motorsiklo ang kasunod ng trailer truck kaya hindi na umano nakaiwas ang rider nang mangyari ang insidente.
Dagdag pa niya, nabigla umano siya sa pangyayari kaya hindi niya agad naipreno ang truck.
Una rin umanong inakala ng driver na maaaring nakaidlip o inaantok ang driver ng Avanza kaya ito napunta sa kanilang linya.
Iginiit naman ni alyas “Ricky” na hindi siya nagpapatakbo nang mabilis dahil may karga ang kanyang minamanehong trailer truck.
Aniya, 13 taon na siyang driver ngunit ngayon lamang siya nasangkot sa ganitong klaseng aksidente.
Sinabi rin nito na wala umanong may kagustuhan sa nangyaring trahedya lalo na’t may mga nasawi sa insidente.Matatandaang limang katao ang nasawi sa naturang karambola kabilang ang apat na sakay ng Avanza at ang rider ng motorsiklo habang dalawa naman ang nakaligtas sa mga lulan ng MPV.











