Nilinaw sa isinagawang sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan ang mga panuntunan sa paggamit ng mga pangunahing kalsada sa lungsod bago ang opisyal na pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy o NCAP.
Layunin ng patakaran na maiwasan ang pagsisikip ng trapiko at mabawasan ang mga aksidente sa mga pangunahing lansangan.
Sa naging talakayan, binigyang-diin ang tamang paggamit ng mga lane. Inaatasan ang mga tricycle, motorsiklo at electric vehicle na dumaan sa pinakakanang bahagi o outer lane ng kalsada.
Samantala, nakalaan naman ang middle at inner lane para sa mga sasakyang may apat o higit pang gulong, alinsunod sa mga panuntunan sa trapiko.
Tinalakay rin ang paggamit ng mga rutang may nakalagay na “Open Lane” signage, partikular ang kalsada mula Junction Cabatuan patungong Faustino Boulevard. Nagpahayag ng pangamba ang ilang drayber ng tricycle at motorsiklo na maaari silang mahuli o mapagmulta sa ilalim ng NCAP dahil sa umano’y pagharang sa daloy ng trapiko.
Samantala, mahigpit pa ring ipagbabawal ang top-loading o paglalagay ng labis at matataas na karga sa bubong ng mga tricycle. Ang mga lalabag ay maaari pa ring patawan ng parusa alinsunod sa umiiral na ordinansa sa trapiko.
Bago simulan ang aktuwal na panghuhuli sa ilalim ng NCAP, susuriin muna ng mga kinauukulan ang mga kailangang ayusin sa mga kalsada, kabilang ang road markings at mga karatula. Isasagawa rin ang information and education campaign upang maipaliwanag sa publiko ang mga panuntunan.
Layunin ng mga paghahandang ito na matiyak na magiging malinaw at maayos ang pagpapatupad ng NCAP sa Cauayan City.









