CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagdami ng mga nadadapuan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Chile sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng lockdown.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Myleen Rivera Arimagao Juan, OFW sa Chile, sinabi niya na winter na ngayon sa nasabing bansa at malaki ang epekto nito sa pagdami ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Aniya, mahigpit ang pagbabantay ng mga otoridad at pagpapatupad ng curfew.
Dalawang buwan na silang hindi nakakalabas at kung makakalabas man sila ay kailangan nilang kumuha ng quarantine pass gayundin na nagsusuot sila ng gloves at facemask.
Sa ngayon aniya ay tanging mga groserya ang bukas sa Chile na siyang suliranin nila ngayon dahil kahit gustuhin man nilang magpadala sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas ay hindi nila magawa dahil lahat ng mga bangko ay sarado.
Gayunman, nasa maayos naman umano ang kalagayan ng mga Pilipino doon dahil karamihan sa kanila ay nasa bahay lang.
Wala naman aniyang ibinibigay na tulong sa kanila ang embahada ng Pilipinas sa nasabing bansa dahil mas tinututukan ngayon ang mga lugar sa Chile na pinakaapektado ng COVID-19.
Sa ngayon ang bansang Chile ay mayroon ng 19,663 na kumpirmadong kaso, 260 ang namatay at 10,041 ang recoveries.











