Nakatakdang magsagawa ng malawakang job fair ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 ngayong araw, Mayo 1 kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day Mayo 1, sa isang malaking mall ng Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor and Employment Officer Ralph Domingo ng ahensiya, sinabi nito na gaganapin ang aktibidad sa Center Atrium ng naturang mall simula alas-9 ng umaga, kung saan inaasahang lalahukan ito ng kabuuang 44 na employers.
Kabilang dito ang 42 lokal na kumpanya at 2 overseas employers na mag-aalok ng kabuuang 1,601 job vacancies. Sa naturang bilang, aabot sa halos 300 ang para sa overseas employment, kabilang ang mga posisyon bilang facility cleaning worker, hospitality worker, service crew at fast food maker.
Samantala, kabilang naman sa mga pangunahing in-demand na trabaho para sa local employment ang production operators na may humigit-kumulang 500 bakante, gayundin ang quality assurance inspectors, service crew at customer service representatives.
Bukod sa job fair, magkakaroon din ng government service caravan kung saan makikiisa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Social Security System (SSS), PhilHealth, Professional Regulation Commission (PRC), Pag-IBIG Fund at National Bureau of Investigation (NBI) upang magbigay ng one-stop shop services sa publiko.
Ayon kay Domingo, mahalagang magdala ang mga aplikante ng sapat na kopya ng kanilang resume at iba pang dokumento. Para naman sa overseas applicants, maaaring kumuha ng NBI clearance on-site kung kinakailangan.
Kasabay rin ng aktibidad ang “Kadiwa ng Pangulo” kung saan mabibili ang mga produktong agrikultural sa mas murang halaga, habang magsasagawa naman ang PhilHealth ng YAKAP registration para sa mga nais magpatala sa kanilang programa.
Binigyang-diin ni Domingo na bukas ang job fair sa lahat ng aplikante, anuman ang kanilang pinanggalingan, at inaasahang mas marami ang ma-hire on the spot ngayong taon dahil sa mas mataas na bilang ng mga kumpanyang kalahok.











