Pinawalang-sala ng Manila Regional Trial Court si Pura Luka Vega o Amadeus Fernando Pagente sa totoong buhay sa kasong isinampa laban sa kanya kaugnay ng viral niyang drag performance ng Ama Namin habang nakasuot ng kasuotan ni Kristo.
Sa desisyon ng Branch 184 ng Manila RTC noong Hunyo 10, sinabi ni Judge Czarina Samonte-Villanueva na hindi napatunayan ng prosekusyon ang pagkakasala ni Luka beyond reasonable doubt. Dahil dito, inabsuwelto siya sa paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175).
Kasabay ng desisyon, iniutos ng korte ang pagbabalik ng P72,000 na piyansa ni Luka para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa kanyang social media, nagpasalamat ang drag performer sa naging hatol at binanggit na “isa na lang ang natitirang kaso”.
Bagama’t pinawalang-sala, pinaalalahanan pa rin siya ng korte na maging maingat sa kanyang mga performance, lalo na sa social media, na may malawak na naaabot.
Matatandaang noong Hulyo 2023, nagsampa ng reklamo ang grupong Hijos del Nazareno laban kay Luka, tinawag ang kanyang performance bilang “pag-atake sa pananampalataya”. Naaresto siya noong Oktubre 2023 at idineklarang persona non grata sa ilang lungsod sa bansa.
Nagkaroon din ng fundraising ang mga kapwa drag artists at supporters ni Luka, kung saan nakalikom sila ng halos P900,000 para sa kanyang piyansa at iba pang gastusin.