--Ads--

Nakamit ni Mariah Deborah ang bagong milestone sa kanyang karera matapos maging kauna-unahang babaeng OPM artist na nakapasok ang kanta sa Billboard Global Excl. U.S. chart sa pamamagitan ng kanyang viral hit na “Na Para Bang.”

Ayon sa Billboard Philippines, pumuwesto sa ika-106 ang kanta sa nasabing chart na may petsang Oktubre 24, 2026. Sinusukat ng Billboard Global Excl. U.S. ang mga pinakapinakikinggang kanta sa mahigit 200 teritoryo sa buong mundo, batay sa streaming at digital sales, hindi kasama ang Estados Unidos.

Patuloy rin ang tagumpay ng “Na Para Bang” sa lokal na music scene matapos mapanatili ang unang puwesto sa Billboard Philippines Hot 100 at Top Philippine Songs charts.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Mariah na naramdaman na niya ang potensiyal ng kanta habang isinusulat pa lamang ito. Aniya, naisip niyang gawing kanta ang pamilyar na ekspresyong “na para bang,” na madalas gamitin ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na usapan.

--Ads--

Ayon kay Mariah, isinulat niya ang kanta batay sa karanasan ng pagkakaroon ng damdamin para sa isang kaibigan at takot na masira ang kanilang samahan kapag inamin ang nararamdaman.