Isasagawa ang kauna-unahang mass wedding sa loob mismo ng Cauayan District Jail bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JCInsp. Susan Encarnacion, acting district jail warden ng BJMP Cauayan, sinabi nito na kabilang ang mass wedding sa mga pangunahing aktibidad na nakatakdang isagawa para sa naturang pagdiriwang mula Oktubre 25 hanggang 30.
Ayon kay JCInsp. Carnacion, nasa limang pares na ang nagpahayag ng kanilang intensyong lumahok sa naturang seremonya.
Sa ngayon, tinutulungan na ng pamunuan ng BJMP Cauayan ang mga aplikante sa pagproseso ng kanilang mga kinakailangang dokumento, kabilang ang mga papeles mula sa Philippine Statistics Authority o PSA at iba pang requirements para sa pagkuha ng marriage license.
Layunin ng aktibidad na mabigyan ng pagkakataon ang mga persons deprived of liberty o PDLs na maisapormal ang kanilang pagsasama sa kanilang mga partner sa pamamagitan ng isang seremonya sa loob mismo ng pasilidad.
Bahagi ito ng mga programa ng BJMP Cauayan para sa National Correctional Consciousness Week na naglalayong palakasin ang kamalayan ng publiko sa mga programa at serbisyong nakalaan para sa mga PDLs, kabilang ang kanilang rehabilitasyon at pagbabagong-buhay.
Inaasahang maisasagawa ang kasalang bayan matapos makumpleto ng mga kalahok ang lahat ng kinakailangang dokumento at proseso para sa pagpapakasal.











