Kabilang sina “Mary Grace Piattos” at dating Overall Deputy Ombudsman Melchor Carandang sa mga testigong ihaharap ng House Prosecution sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa pre-trial brief ng prosekusyon, inaasahang magbibigay ng testimonya si “Mary Grace Piattos” kaugnay ng umano’y pagtanggap ng confidential funds mula sa Office of the Vice President noong 2022. Matatandaang sinabi ng Philippine Statistics Authority na wala itong rekord ng kapanganakan ng isang “Mary Grace Piattos,” habang iginiit naman ng kampo ni Vice President Duterte na maaaring alyas lamang ang naturang pangalan.
Samantala, inaasahang magbibigay rin ng testimonya si dating Overall Deputy Ombudsman Carandang kaugnay ng impeachment article na may kinalaman sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman. Ayon sa dokumento, tatalakayin niya ang naging imbestigasyon sa mga bank account at transaksyon ni Vice President Duterte at ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, pati na ang mga naging resulta nito.
Noong Mayo, pinawalang-bisa ng Supreme Court of the Philippines ang pagkakatanggal kay Carandang sa serbisyo noong administrasyon ni dating Pangulong Duterte dahil sa umano’y paglabag sa confidentiality at pagsisiwalat ng impormasyon kaugnay ng imbestigasyon sa yaman ng dating pangulo.











