--Ads--

Inanunsyo ng Civil Aeronautics Board o CAB na muling ibababa ang fuel surcharge para sa mga domestic at international flights mula Hunyo 1 hanggang 15 dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng jet fuel sa pandaigdigang merkado.

Mula sa kasalukuyang Level 15, ibinaba ito ng CAB sa Level 13. Dahil dito, mas mababa na ang dagdag-singil sa mga pasaherong bumiyahe sa loob at labas ng bansa.

Sa ilalim ng Level 13, ang fuel surcharge sa domestic flights ay nasa pagitan na lamang ng P423 hanggang P1,237, mas mababa kumpara sa dating P491 hanggang P1,436.

Samantala, sa international flights, ang surcharge ay magiging mula P1,396 hanggang mahigit P10,385 depende sa layo ng biyahe, mas mababa rin kaysa sa dating singil na umaabot sa higit P12,000.

--Ads--

Ayon sa CAB, bunga ito ng pagbaba ng presyo ng jet fuel na mula sa mahigit 179 dollars kada bariles noong Abril ay bumaba na sa halos 160 dollars kada bariles nitong Mayo.

Paalala naman ng ahensya na ang fuel surcharge ay hiwalay pa sa base airfare at maaaring ipataw ng mga airline depende sa kanilang polisiya.