Nagpatupad ng mas mahigpit na seguridad ang Cauayan City Standalone Senior High School (CCSASH) bilang bahagi ng pagpapatibay ng kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani kasunod ng mga naitalang insidente ng school violence sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, School Head ng CCSASH, sinabi niyang kabilang sa kanilang ipinatutupad ang closed gate policy, paggamit ng metal detector, at mas mahigpit na pagbabantay sa mga pumapasok at lumalabas ng paaralan.
Ayon kay Dr. Mina, mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng kumpletong uniporme at school ID ng mga mag-aaral. Sa ilalim ng closed gate policy, tanging mga estudyanteng may gate pass at may lehitimong emergency lamang ang pinapayagang lumabas ng campus habang may klase.
Dagdag pa niya, lahat ng mag-aaral, magulang at mga bisita ay sumasailalim sa security inspection gamit ang metal detector upang matiyak na walang naipapasok na ipinagbabawal na kagamitan na maaaring magdulot ng panganib sa loob ng paaralan.
Kinakailangan ding magparehistro ang lahat ng bisita sa guardhouse at mag-iwan ng valid ID bago sila pahintulutang makapasok sa campus.
Binigyang-diin ni Dr. Mina na layunin ng mga hakbang na ito na mapanatili ang isang ligtas at maayos na kapaligiran para sa pag-aaral. Hinikayat din niya ang mga guro, mag-aaral at maging ang mga magulang na agad iulat ang anumang kahina-hinalang kilos, insidente ng bullying, o iba pang banta sa seguridad upang mabigyan ito ng agarang aksyon.
Aniya, mahalaga ang pakikiisa ng buong komunidad ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mag-aaral at kawani.











