CAUAYAN CITY – Nanindigan ang ama ng tsuper ng van na ginamit lamang ang sasakyan ng anak ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sumalakay sa Maddela Police Station
Si Herminio Domincil III ay nakakulong na matapos sampahan ng kasong robbery with attempted homicide at 9 counts of direct assault kasama sina Zenaida Ocon, Guilbert Tuliao, Roland Mattirig at Reynaldo Fuentes na may may-ari at tsuper ng forward truck at elf na ginamit ng mga rebelde.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni G. Herminio Domincil Jr. na residente ng Cabatuan, Isabela na ang sasakyang inarkila ng mga NPA na minamaneho ng anak na si Herminio Domincil III ay pag-aari ng isa pa niyang anak na si Herminio Domincil IV.
Sinabi ni Mr. Herminio Domincil Jr. na noong umaga ng Huwebes ay pinuntahan ng isang babae at isang lalaki ang kanyang anak sa paradahan sa Lunsod ng Santiago at sinabing aarkilahin ng P/5,000 patungong Dinadiawan, Aurora at pumayag naman ang kanyang anak.
Sa pagtungo nila sa Dinadiawan, Aurora ay dumaan sila sa San Agustin, Isabela kung saan sila pinigil ang kanyang anak at kasamang nobya.
Dinala sila sa isang bahay sa Santo Ninio, San Agustin at doon nakita rin nila ang may-ari at driver ng forward at elf na sina Tuliao, Mattirig at Reynaldo Fuentes.
Matapos ibalik ang van ni Domincil ay nakisakay na rin sa kanila sina Tuliao, Mattirig at Fuentes ngunit habang bumibiyahe ay na-checkpoint sila sa Jones, Isabela kaya’t ikinuwento ang kanilang karanasan.
Iginiit ni G. Domincil na biktima rin ng mga NPA ang kanyang anak kaya nanawagan siya sa pulisya na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat upang malaman ang tutoong pangyayari.




