Tatlong hinihinalang sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit ng Ilagan City Component Police Station sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 1, Barangay Bagong Silang, City of Ilagan, Isabela, nito lamang ika-1 ng Hunyo 2026.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Pading,” 34 taong gulang, may asawa; alyas “Iking”, 26 taong gulang, binata ; at “Die”, 34 taong gulang, binata at parehong mga construction worker.
Batay sa ulat, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga operatiba ng CDEU, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2. Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng mga suspek matapos nilang bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang nagpanggap na poseur buyer kapalit ng buy-bust money.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, narekober din ang buy-bust money, dalawang Android phones, isang wallet, coin purse, isang motorsiklo (Suzuki Raider 150), at Php3,950.00 na personal na pera.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasalukuyang nasa kustodiya ng Ilagan CCPS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.









