Magbubukas ang Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela ng 100 internship slots sa pamamagitan ng Government Internship Program (GIP) Fair na isasagawa sa Hunyo 4 sa Ilagan Community Center sa Lungsod ng Ilagan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ralph Domingo, Job Fair Focal Person ng DOLE Isabela, sinabi nito na magkakaroon ng online pre-registration para sa mga interesadong aplikante upang maging maayos ang proseso ng pagtanggap ng mga kalahok.
Ayon kay Domingo, tanging ang unang 300 aplikante lamang na makakumpleto ng online pre-registration ang mabibigyan ng unique code na kinakailangang ipakita sa registration team sa araw ng GIP Fair.
Aniya, ipapadala sa pamamagitan ng email ang naturang unique code at ilalathala rin ng kanilang tanggapan ang listahan ng mga kwalipikadong aplikante.
Sinabi pa nito na 14 na national government agencies ang lalahok sa aktibidad at mag-aalok ng iba’t ibang internship opportunities para sa mga aplikante.
Kabilang sa mga kwalipikadong mag-apply ang mga senior high school graduates, college level at college graduates na hindi na kasalukuyang naka-enroll sa paaralan.
Ipinaliwanag ni Domingo na ang mga college graduates na matatanggap sa programa ay maaaring ma-deploy nang hanggang anim na buwan habang tatlong buwan naman para sa mga senior high school graduates.
Dagdag pa niya, posibleng ma-renew ang internship ng mga kalahok depende sa kanilang performance at pangangailangan ng ahensyang kanilang mapapasukan.
Pinayuhan naman ng opisyal ang mga interesadong aplikante na bantayan ang opisyal na Facebook page ng DOLE Isabela Field Office kung saan ilalabas sa Hunyo 1 ang online pre-registration link at iba pang detalye kaugnay ng GIP Fair.
Hinikayat din nito ang mga aplikante na magdala ng ilang kopya ng kanilang resume upang magkaroon ng mas maraming pagkakataong makapag-apply sa iba’t ibang ahensyang kalahok sa aktibidad.











