--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaprubahan ng Provincial COVID-19 Task Force (PCOVID19TF) ang kahilingan ng Solano Municipal Inter Agency Task Force (MIATF) na palawigin ang pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Solano, Nueva Vizcaya hanggang September 30, 2020.

Sa kabuuan ay mayroon nang 119 COVID-19 positive mula sa 14 na barangay ng bayan ng Solano.

Sa nasabing bilang ay 105 ang active cases, 10 ang recovered cases at 4 ang naitalang nasawi sanhi ng COVID-19.

Ayon kay Municipal Councilor Eddie Tiongson, makakabuti ang pagpapalawig ng MECQ sa kanilang bayan upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

--Ads--

Malilimitahan aniya ang galaw ng mga mamamayan kapag nakasailalim sa MECQ ang kanilang bayan at mas madali ang pagsasagawa ng contact tracing.

Sa pagpupulong ng LGU Solano at PCOVID19TF, sinabi ni Councilor Tiongson na hindi nila naramdaman ang pagbabago sa pagpapatupad ng 15-day MECQ sa kanilang bayan kaya kailangang mapalawig   upang mas mabisa ang  pag-contain sa virus.

Humingi rin ng tulong ang pamahalaang lokal ng Solano sa pamahalaang panlalawigan para sa pondong gagamitin sa panahon ng pagpapatupad ng MECQ.

Samantala, inihayag ni Governor Carlos Padilla na ilalabas ang ilang guidelines matapos nila itong maisapinal at susuportahan ang LGU Solano sa pagpapalawig  ng MECQ.

Hiniling ni Gov. Padilla ang kooperasyon ng mga mamamayan tulad ng pagsunod sa mga panuntunan para malabanan ang epekto ng COVID-19 sa kanilang lalawigan.