
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang mekaniko matapos na bumangga ang minamanehong motorsiklo sa nakaparadang sasakyan sa gilid ng daan sa Quezon Street, District 1, Cauayan City.
Ang biktima ay si Jose Garcia, 29 anyos, may asawa, mekaniko at residente ng Cabaruan, Cauayan City.
Ang may-ari ng nakaparadang elf truck ay si Romeo Madriaga, 41 anyos, negosyante at residente ng Dabburab, Cauayan City.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, binabagtas ng biktima ang silangang direksiyon nang bumangga sa elf truck na nakaparada sa gilid ng daan sa harap ng Talevera Hypermart Junior.
Nagtamo ng mga malalang sugat si Garcia na agad dinala ng mga miyembro ng Rescue 922 sa isang ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, labis ang pagkabigla ng pamilya ni Garcia sa pangyayari.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Angela Garcia, misis ng biktima, sinabi niya na sa kapatid lamang niya nalaman ang nangyari sa kanyang asawa.
Hindi umuwi sa dating oras ng pag-uwi ng kanyang asawa na 10pm hanggang 11pm kaya inakala niyang natulog ito sa kanilang puwesto dahil minsan ay doon siya natutulog kapag napasarap ang paglalaro ng bilyar at uminom ng alak kasama ang mga kaibigan.
Mabuting asawa aniya ang mister at malambing sa kanilang dalawang anak kaya labis ang kanyang pighati sa biglaang pagkamatay ng kanyang asawa.










