Nakatakdang magsagawa ng pagpupulong ang mga opisyal ng iba’t ibang law enforcement agencies ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela bukas, Biyernes, ika-13 ng Pebrero, kaugnay ng pagpapatibay ng mga road safety measures.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi niyang nakausap niya ang hanay ng Highway Patrol Group upang talakayin ang mga hakbang sa pagpapatupad ng batas trapiko at kaligtasan sa kalsada.
Binigyang-diin ng Gobernador na istriktong paiigtingin ang disiplina sa mga motorista, kabilang na ang mga hindi gumagamit ng helmet, estudyanteng nagmamaneho nang walang lisensya, at mga truck na mabilis ang takbo.
Ayon sa kanya, kailangan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Binanggit din ni Gobernador Rodito na hindi dapat gamitin ang mga overloaded na truck dahil nagdudulot ito ng pagbagsak ng mga kalsada at pagkasira ng mga tulay na may limitadong capacity.
Kasama sa pagpapaigting ng road safety ang pag-aayos ng mga signages at mga paglalagay ng aspalto na hindi pantay, na nakatakdang suriin ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dagdag pa ng Gobernador, sa usaping streetlights naman mahirap umanong pondohan ang mga kung sa mga national highway, ngunit may nakalaang pondo para sa mga streetlights sa barangay sa ilalim ng pamahalaang panlalawigan.
Aniya, mahigpit din ang pagbabantayan ng pamahalaang panlalawigan sa mga nagmamaneho na lasing na motorista at mabilis na dump truck, kahit sino pa man ang may-ari ng mga ito.
Ang mga driver na lalabag sa ordinansa at batas trapiko ay paparusahan, kabilang ang posibleng pagkakakulong.






